Sunday, January 17, 2016

Huwag mong ikahon ang pag-ibig

Ang pag-ibig ay isang simula at isa ring katapusan,
Isang orkestra ng kapayapaan,
Na sinasaliwan ng isang madugong digmaan,
Isang pook-tagpuan ng walang hanggan at ng mga hangganan,
Ito'y kalayaan at bilangguan,
Kung saan ang ibig sabihin ng kasiguraduhan,
Ay ang pagyakap sa mga katanungang walang tiyak na kasagutan,
Ang pag-ibig ay isang pagtatanghal ng mga "OO" at ng mga "HINDI",
Isang pagtatagpo ng mga maagap at ng mga nahuhuli,
Ito'y gaya ng liwanag at dilim,
Ng lamig at init,
At ng tamis at pait,
Ito'y kinukumpleto ng sarili nitong pag-iral,
Kaya't ito'y tulad ng maraming bagay,
At walang katulad na anumang bagay,
Ang ibig ko lamang sabihin,
Ay huwag magkamaling ikahon ang pag-ibig,
Dahil ikaw ma'y nakakahon din,
Alipin ng oras at kasaysayan,
Ng hangganan ng sariling pag-iisip at kamalayan.
Huwag mong ikahon ang pag-ibig,
Huwag mo itong isipan ng angkop na kataga o mga lebel at baitang,
Ng tamang edad o ng kung anong kasarian,
Kung anong anyo, hugis at pagkakakilalan,
Hayaan mong ang pag-ibig,
Ay maging tulad ng tubig,
Dumadaloy,
Nahuhulma,
Nababago ang estado,
May sariling lakas ngunit alam umindak sa himig pagbabago.
Magmahal ka nang walang pag-iimbot at pagtatangi,
Nang walang hinaharap
At nang walang nakaraan,
Nang walang pinipiling anyo at paraan.
At kung ang lipunan ang sa pag-ibig mo'y hahatol,
Hayaan yaring pag-ibig ang sa kamay mo'y magkuyom,
At mag-anak ng bagong panahon,
Isang bagong lipunang mapagpalaya at walang mga kahon.

No comments:

Post a Comment