Mahirap maging mahirap,
Dahil ang gutom lagi mong kausap,
Ang kape na dati'y tanging inumin,
Ngayo'y tambal na ng bahaw at pwede nang ulamin,
At ang katambal na pan de sal,
Iuunat hanggang kinabukasang almusal,
At sa aming hapag ay ang panis na ulam,
Pinakuluan, pinaghalo, ginisa, binetsinan,
Nang makita ng dokumentarista,
Pinag-anihan ng gantimpala,
Pinamanhid at sinanay sa aming kalagayan ang madla,
Oo, mahirap maging mahirap,
Dahil kailangang higpitan ng malaon,
Ang nakasakal na sinturon,
Ngunit sa aming mahirap,
Madaling humugot ng dahilan,
Madali ang magngitngit sa gahaman,
Dahil wala kaming pag-aari kundi ang aming lakas,
Wala kaming ibang patutunguhan,
Kundi ang lupaing sa aming puntod pagtitirikan,
Kaya't isa lang ang tatahaking landas,
Pagka't ito lamang ang sa kahirapa'y magwawakas,
Oo, kami ay mahirap,
At nasa amin ang lahat ng dahilan,
Para ipagtagumpay ang digmaan.
2011
No comments:
Post a Comment