Sunday, October 9, 2016

Hindi Ako Imbitado sa Sarili kong Piging

*unang beses kong susulat ng pyesa na medyo pang-spoken word. Sinulat ko ito para sa bespren kong si Alea na magdidiwang ng birthday at may pa-event na nalalaman, so ayun magpeperform ako (pwede kayo pumunta, mag-iwan ng mensahe for details). Ito ay mga pinagtagpi-tagpi kong mga usapan namin, dedicated sa kanyang magiging asawang si Zion.*


Nakatitiyak akong hindi kita hinanap,
At lalong sigurado akong hindi mo ako hinalughog,
Na parang nahulog na singsing,
Sa lumpon ng sukal ng mga dahon,
Bagkus ay dinatnan natin ang isa't-isa,
Nagtagpo ngunit hindi pinakay na nagkita,
Gaya ng paghalik ng antok,
Sa tuwing magkukubli sa kumot,
Tulad ng isang along marahang gumagapang,
Sa mukha ng karagatan,
Hanggang sa marating nito ang dalampasigan,
Kaya't ika'y kagyat kong inanyayahan,
Maligayang pagdating!
Pinakapipitagan at kaisa-isa kong panauhin,

Sana'y matutunan mong mahalin,
Ang mga buhulbuhol kong mga palamuti,
Hindi ko naman sila sinadyang pagbuhulbuholin,
Ang totoo'y marahan ko naman silang hinabi,
Ngunit ang buhay ko ay unos,
At ang isip ko ay ipu-ipo,
Mabuti't mahigpit ko silang naitali,

Sana'y matutunan mong mahalin,
Ang kakarampot na aking ihahain,
Matagal ko silang inipon at sinaing,
At matagal ko ding pinagdudahan kung sa kanila'y mayroon pang papansin,
Maraming paso at tilamsik ang aking tiniis,
At kahit alam kong ito na lamang ang mayroon ako,
Ihahain ko ang lahat at walang ititira o itatago mula sayo,

Sana'y matutunan mong mahalin,
Ang maugong na musika at makaluskos na mga plaka,
Alam kong medyo may kalumaan na at baka sila'y napaglipasan na,
Ngunit ang musikang ito ang tangi kong kumot sa malamig na gabi,
Masaya akong sa iyo ko sila ibabahagi,
At sabay nating damhin ang init ng kanilang saliw,

Sana'y matutunan mong mahalin,
Ang panandaliang mga katahimikan,
At pabugsobugsong mga kalampagan,
Dahil ako ay karagatan,
Tahimik at malawak,
Ngunit minsa'y nagkakanlong ako ng mga delubyo,
At galit na naghuhulma ng mga isla,
Sana'y kayanin mong manatili,
Dahil handa ko ring ipamalas sa iyo ang ganda ng takipsilim,
At ang silahis ng araw sa bukang liwayway,

Sana lamang ay iyong tandaan,
Sa iyong pagdalo sa aking pagdiriwang,
Hindi ko naman hinihiling na ako'y itulad sa mga santo o santa,
Na ilalagay sa pedestal at sasabitan ng talulot ng sampaguita,
Ang nais ko sana'y sabay tayong lumikha ng hardin,
At sabay nating abangan ang pamumukadkad ng ating mga tanim,
Hindi ko naman nais na ako'y gawan ng mga kanta,
O sambitan ng mga nagliliyagang tula,
Ang nais ko ay hawakan mo ang kamay ko nang mahigpit,
Upang masiguro kong ika'y nasa aking tabi,
Dahil sapat nang musika ang ako'y nasa iyong piling,

Sana'y ika'y manatili,
Sana'y mahalin mo ang buhulbuhol kong mga palamuti,
Sana'y mahalin mo ang kakarampot kong ihahain,
At sana'y may pang-unawa ka sa musikang napaglumaan,
Sapagkat matagal na akong nagnanais na magdiwang,
At marahil sa unang pagkakatao'y hindi na maulit,
Na hindi ako imbitado sa sarili kong piging.

No comments:

Post a Comment